MANILA, Philippines - Naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na walong katao ang nasawi sa bagyong Mario na pinalakas ng habagat nang palubugin sa tubig baha ang Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon noong Biyernes.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Alexander Pama na ang mga nasawi ay kinilalang sina Althea Gaviola, 2, nalunod sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City; Erlinda Centeno, 69, nalunod sa Montalban, Rizal; Javier Jevania Mateo, 1 buwang sanggol na nadaganan ng nabuwal na punong kahoy sa Cagayan; Jay-R Taganas, 34, nalunod sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City; Sigfried Nathan Arcilla, 22, student ng UST, na nakuryente habang naglalakad sa baha sa España; empleyado ng Sheraton Hotel na si Glendon Benedicto, 22, na nakuryente din sa panulukan ng España at Maceda St., Maynila; sa Camarines Sur nalunod din sina Conrado, 65 ng bayan ng Ragay at Eduardo Ele, 60, ng Brgy. South Centro, Sipocot.
Ang mga naapektuhan ng kalamidad ay nasa 23,581 pamilya o kabuuang 93,062 katao ang kinukupkop sa 181 evacuation centers.
Aabot naman sa 87 kalsada at limang tulay ang hindi madaanan sa Cagayan Valley, Central at Southern Luzon, Bicol, Western at Eastern Visayas at Metro Manila.- Joy Cantos, Ludy Bermudo-