MANILA, Philippines - Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Benigno Aquino III ang apat na bansa sa Europa para sa kanyang official visit.
Kagabi ay umalis ang Pangulo kasama ang kanyang delegasyon at bibisitahin ang Spain, France, Germany at Belgium.
Pagkatapos ay dederetso ang Pangulo sa Estados Unidos para dumalo sa United Nations Assembly kung saan ay inaasahang magsasalita tungkol sa Climate Change.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., na kabilang sa kasama ni Pangulong Aquino ay sina Agriculture Sec. Proceso Alcala, Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario, kasama ang ilang negosyante.
Bandang alas-9:50 kagabi ng umalis ang delegasyon ni P-Noy lulan ng PAL flight 001 chartered flight patungong Madrid, Spain.
Samantala sa pag-alis ng Pangulong Aquino ay hindi na naman nito ginawang caretaker si Vice-President Jejomar Binay.
Nagpaliwanag si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na hindi na kailangan humirang pa ng caretaker ang gobyerno dahil para na ring nasa Pilipinas ang presidente bunsod ng mga gamit sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.
Ayon pa kay Valte, magiging masusi ang pakikipag-ugnayan ng Pangulong Aquino sa kanyang maiiwang mga opisyal sa Pilipinas sa maraming pamamaraan tulad ng skype, email, cellphone, text messaging at ang itinalagang caretaker ay si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr.
Kung maaalala ang ilang mga dating presidente ay kadalasang itinatalaga ang kanilang vice president bilang caretaker kung lumalabas ng bansa.