Bidding sa Makati building, ‘niluto’ ex-city official
MANILA, Philippines - Minaniobra ang bidding ng Makati City Hall building 2 at maging ang iba pang proyekto sa lungsod.
Ito ang pasabog na rebelasyon ng panibagong resource person na inimbitahan sa Senate Blue Ribbon sub-committee kahapon na si dating Makati City Bids and Awards Committee (BAC) Vice Chairman at General Services Department head Mario Hechanova.
Walang kagatol-gatol na umamin at inilatag ni Hechanova ang mekanismo ng kanilang ‘pagluluto’ sa lahat ng proyekto sa lungsod.
Sa utos anya noon ni dating City Engineer na si Engr. Nelson Morales, na kilalang alterego ng noo’y Makati Mayor Jejomar Binay, dapat ang bidder na Hilmarc’s ang manalo.
Naniniwala si Hechanova na utos ito ng ngayo’y Vice President Binay. Imposible anyang hindi nito alam ang mga pagkilos sa kanyang gobyerno.
Sa bidding, hindi masalimuot at lumalabas na “palabas” ang proseso.
Bilang isang ‘sundalo’ anya ng lokal na pamahalaan, kailangan niyang matiyak na Hilmarc’s ang mananalo sa bidding.
Pagdetalye ni Hechanova, mismong ang Hilmarc’s ang magbibigay ng mga makakalabang bidders na alam umanong scripted lamang ang bidding dahil inihahanda mismo ng BAC ang mga pipirmahang dokumento ng mga ito.
Bukod dito, kailangan nilang tiyaking mas mahal ang alok na presyo ng mga kalabang bidders at hindi ito makakasipot.
May isang beses pa anyang ikinulong niya sa elevator ang isang bidder para ma-late ito.
Binanggit naman ni Hechanova na wala siyang nakuhang kickback sa pagmamaniobrang ito pero may buwanan aniya silang allowance mula kay Mayor Jojo Binay na umaabot sa P200,000.
Bukod sa Makati City Hall building 2, may iba pa anyang proyekto silang ‘niluto’ para sa Hilmarc’s Construction.
Samantala, ikinabigla ni Hechanova ang ulat na umabot sa P160-M ang building management system project na P75-M lang nang ipa-bid nila noon.
Una nang sinabi ni Hechanova na handa siyang magpailalim sa witness protection program (WPP) sakaling kailanganin o magkaroon ng banta sa kanyang buhay.
Ukol sa posibleng motibo sa paglabas ngayon, sinabi ni Hechanova na nais lang niyang sabihin ang totoo.
Lumutang anya siya dahil nakapag-isip-isip siya nang “traydorin” ni VP Binay ang 28 taon nang kasamang si dating Bise Alkalde Ernesto Mercado na pinangakuan umano nitong maging susunod mayor ng Makati ngunit taong 2009 nang mag-iba ang ihip ng hangin at anak nito ang pinatakbo.
- Latest