MANILA, Philippines – Wala umanong dapat ikaalarma ang publiko sa mga lumabas na ulat na isang terror attack ang nakuhang mga bomba sa loob ng isang Toyota Revo sa parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal III.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr.,dahil sa hindi bomba kundi mga pla-pla na isang uri ng firecrackers ang nasamsam ng NBI sa tatlong pinaghihinalaang bomber.
Una rito, inihayag ng mga opisyal ng NBI na nasilat nila ang “car bombing” ng mga pinaghihinalaang teroristang grupo sa NAIA matapos masamsam ang bulto ng mga eksplosibo sa tatlong suspek.
Inihalimbawa pa ni Catapang ang ginawang paghahagis ng “metal spike” ng nagproprotestang si Atty. Ely Pamatong sa EDSA noong 2004 na aniya’y hindi naman “barbarious act” kundi isa lamang “comic relief” dahilan nais lamang nitong makakuha ng atensyon sa pagnanais na maging US citizen ang lahat ng mga Pinoy sa Pilipinas o magpasailalim sa kolonya ng Estados Unidos.