Naputulan ng kuryente napatay ng kuya

MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa napatay ng isang kuya ang nakababata nitong kapatid na lalaki matapos ang mainitang pagtatalo nang maputulan ang huli ng kuryente kamakalawa sa Brgy. Guiwan, Zamboanga City.

Ang nasawing biktima ay kinilalang si Allan Bayle, 27-anyos habang ang suspek naman na nahaharap sa kasong parricide ay nakilalang si Jonathan Bayle, 28 anyos.

Sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi sa bahay ng pamilya Bayle sa Castillo Compound, Palmeras Drive, Guiwan nang umuwi ang biktima na lasing.

Labis nitong ikina­galit na naputulan sila ng kur­yente kaya pinagbabato ang kanilang bahay na ikinasugat ng kaniyang ina at ng suspek.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima na nauwi sa suntukan hanggang sa makahagilap ng screw diver ang una saka pinagsasaksak ang nakababatang kapatid.

 Naisugod pa sa Western Mindanao Me­dical Center ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival sanhi ng tinamong 18 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

 

Show comments