MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 5-anyos na batang babae habang ang dalawang kapitbahay nito ay nasugatan matapos na sila ay magulungan ng umaatras na isang gasoline tanker malapit sa gasoline station kamakalawa sa Pasig City.
Idineklarang dead-on- arrival sa Rizal Medical Center ang biktimang si Jovielyn Virana, residente ng 264 Dr. Sixto Antonio Ave., Barangay Caniogan dahil sa natamong matinding sugat sa ulo at katawan.
Nasugatan naman ang mga kapitbahay nitong sina Danilo Romagat, 41, at Nerissa Monteporo, 66.
Sumuko sa pulisya ang driver ng gasoline tanker na si Junval Orialla, 35 na nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide and multiple frustrated homicide.
Sa imbestigasyon ni PO3 Gil Pedera, dakong alas-7:30 ng gabi ay isinasalin ni Orialla ang kargang gasolina sa isang gasoline station na matatagpuan sa Dr. Sixto Antonio Ave.
Nabatid na kalaro ni Virana ang kapwa niya bata sa tapat ng kanilang bahay habang ang dalawang kapitbahay ay nag-uusap sa bangketa.
Matapos na maisalin ni Orialla ang laman ng kanyang Fuzo truck tanker (RJH-119) ay inalis nito ang ikinalsong bato, subalit umatras ito.
Mabilis na inakyat ng suspek ang minamanehong truck para mapahinto, subalit nabigo ito kaya’t nagulungan ang tatlong biktima at mas grabe ang tinamo ng bata.