Dalawang holdaper utas sa police tandem
MANILA, Philippines - Sa halip na sumuko ay nanlaban umano sa dalawang nagpapatrulyang pulis-Maynila ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo na pinaghihinalaang mga holdaper na naganap kahapon ng madaling-araw sa bahagi ng round table kanto ng P. Burgos St. at Finance Road, Ermita, Maynila.
Ang mga napatay na suspek ay inilarawan ang isa na nasa pagitan ng edad 35 hanggang 40, may taas na 5’3” hanggang 5’5”, nasuot ng kulay itim na t-shirt, cream ang kumbinasyon ng checkered na pantalon at itim na sinturon habang ang isa ay nakaitim na jacket, brown ang shortpants, tinatayang nasa 35-40 anyos, kapwa naka-helmet at kapwa armado ng kalibre .38 pistola.
Napansin din ng mga otoridad na sadyang itinupi pataas ang plaka ng itim na Honda 100 motorcycle (1273 UD) upang hindi maplakahan sa oras na makagawa ng krimen.
Iniimbestigahan naman ang dalawang pulis na naka patay sa suspek na sina PO1 Ricardo Lo at PO1 Vermon Guerrero, kapwa miyembro ng Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) ng MPD-Station 5.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Michael Maraggun na bago nangyari ang shootout dakong alas-4:25 ng madaling araw sa nasabing lugar ay nagpapatrulya ang dalawang pulis sa Ayala Boulevard, sakay ng police service mobile (MC-3526) nang maispatan ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo na kahina-hinala ang kilos.
Sinundan nila ito at pagsapit sa nasabing lugar ay nagbunot umano ang dalawang suspek at pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti ng putok ang dalawang pulis at napatay ang dalawang suspek.
Ang mga pulis na sangkot ay naka-assign sa TMRU at katatapos lamang ng pagsasanay bagama’t hindi pa nabibigyan ng motorsiklo para maging riding-in-tandem patrol. Dagdag ulat ni Patrick Andal (trainee)
- Latest