Testigo sa pagpatay ng reporter, pinatay

MANILA, Philippines - Isang pangunahing testigo sa pamamaslang sa isang reporter may apat na taon na ang nakakalipas ang pinagbabaril nang matiyempuhan ng mga salarin sa bilyaran sa Digos City, Davao del Sur kamakalawa ng gabi.

Nasawi noon din ang biktima na si Ritchie Manapol, 34, na nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at baba.

Si Manapol ang pa­ngunahing testigo sa kaso ng pagpatay kay Nestor Bedolido, reporter ng pahayagang Kastigador sa lungsod sa naganap na krimen noong Hunyo 19, 2010.

Sa ulat, dakong alas-7:15 ng gabi nang pagbabarilin ang biktima sa isang bilyaran na matatagpuan sa panulukan ng Shrine Hills at Mac Arthur Highway nang tatlong lalaki na pumasok doon.

Nagawa pa umanong makatakbo sa kusina ng biktima para magtago, pero hinabol ito ng mga suspek at ng maabutan ay pinagbabaril nang sunud-sunod.

Tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Show comments