MANILA, Philippines - Ikinaalarma ng publiko ang presensiya ng mga tangke at truck ng militar sa Metro Manila matapos ang pagbubulgar ni Senador Antonio Trillanes IV na destabilisasyon o planong kudeta umano laban sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Kumalat sa mga social networking sites tulad ng twitter, facebook at instagram na may ‘troop movements’ na umano sa Metro Manila kaugnay ng isyu sa kudeta.
Nilinaw naman ni Lt. Col. Ramon Zagala II, Chief ng Public Affairs Office ng AFP, na otorisado ang presensya ng nasabing tangke at mga escort nitong truck ng militar kaugnay ng pagbibiyahe sa “mission essential equiptment” o mga armas ng AFP.
Gayunman, ilang opisyal naman ng AFP na tumangging magpabanggit ng pangalan ang nailing na lamang sa nasabing paliwanag sa pagsasabing biglaan ang paghahatid ng mga supply sa AFP General Headquartes na pinalalakas ang kanilang stocks ng firepower upang umano’y paghandaan ang pagdedepensa sa palasyo ng Malacañang sa gitna na rin ng umano’y planong kudeta.
Nabatid na dalawang convoy ng military trucks galing sa AFP Northern Luzon at Southern Luzon Command ang ineskortan ng mga Armored Personnel Carrier (APC) na may mga dalang armas at mga bala patungo sa ASCOM (Area Support Command) ng Philippine Army.
Kaugnay nito, humingi naman ng paumanhin si Zagala sa pagkaalarma ng publiko sa nasabing pagbibiyahe ng mga ‘critical items’ ng AFP.