Ex-AFP chief kay Trillanes: DAP ipaliwanag, tsismis sa kudeta tigilan
MANILA, Philippines - Inilarawan ni dating AFP Chief of Staff ret.General Hermogenes Esperon Jr., si Senador Antonio Trillanes IV bilang “The boy who cried wolf!” matapos palutangin nito ang umano’y namumuong kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Hinamon ni Esperon si Trillanes na sa halip umanong magpakalat ng tsismis sa walang katotohanan o kuryenteng coup plot laban kay P-Noy ay mas makabubuting ipaliwanag na lamang nito at ng mga kasamahan sa Senado ang kanilang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Magugunita na kamakalawa ay sinabi ni Trillanes na may namumuong kudeta laban sa gobyerno ni P-Noy na pamumunuan umano ng mga dating heneral ng AFP na naging malapit kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sinabi ni Esperon na wala siyang nakikitang dahilan para maglunsad ng kudeta ang mga aktibo at maging ang mga retiradong sundalo dahil ang pangunahing misyon ng mga ito ay ang ipagtanggol ang Konstitusyon.
Kinuwestiyon din nito ang kredibilidad ni Trillanes para magsalita sa tsismis na kudeta dahil kung tutuusin ay ito pa ang namuno sa Magdalo Group o sa bigong coup de etat matapos na okupahin ng grupo ang Oakwood Hotel sa Makati City noong Hulyo 2003.
- Latest