Mister napundi na… Misis na adik sa text kinatay
MANILA, Philippines - Dahil mas palagi umanong inuuna ang pagte-text kaysa sa pagluluto ng pagkain, hindi na nakatiis ang isang mister sa pagiging adik ng kanyang misis sa text kaya halos katayin ito sa pamamagitan ng pananaksak sa huli sa Barangay Bolhoon, San Miguel, Surigao del Sur kamakalawa.
Dead-on-arrival sa San Miguel Community Hospital ang biktimang kinilalang si Susana Demelio Betinol, 42 at residente ng nasabing lugar ay nagtamo ng maraming saksak ng kutsilyo sa iba’t-ibang bahagi ng katawan mula sa kanyang mister at suspect na si Gerardo Betinol.
Batay sa report ni CARAGA Police Spokesman Supt. Romaldo Bayting, ang insidente ay naganap sa tahanan ng mag-asawa dakong alas-8:30 ng umaga kung saan ang suspect ay galing umano sa bukid, pagod at naghahanap ng makakain. Pero laking dismaya umano ng suspect nang makita ang biktima na abala sa pagte-text at inakala nitong may text mate itong ibang lalaki.
Agad umanong sinita ng suspect ang biktima na naging mitsa ng matinding pag-aaway at pilit na pinaaamin na ang huli’y nagtataksil.
Mahigpit naman itong itinanggi ng misis na biktima na mas lalong ikinagalit ng suspect.
Bunsod nito’y agad na kinuha ng suspect ang kanyang bagong hasang kutsilyo at pinagsasaksak ang misis.
Bunsod ng labis na pagkatakot sa mga kamag-anak ng biktima ay mabilis na tumakas ang suspect at nagtago sa detachment ng CAFGU sa kanilang lugar.
Gayunman, sumuko pa rin ang suspect sa pulisya. Sa ngayon ay nahaharap sa kasong parricide ang biktima at kasalukuyang naghihimas ng rehas.
- Latest