Nobyo tugis sa pagpatay sa nobya

MANILA, Philippines - Tinutugis ng pulisya ang isang lalaki na pinaniniwalaang pumatay sa kanyang nobya na lady guard na natagpuang nakalutang sa ilog sa Malabon City kamakailan.

Ang suspek na pinaghahanap ay kinilalang si Joe­mar Abgao, 39, ng Meycauayan, Bulacan.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:30 ng hapon noong Hunyo 26 nang matagpuan ang bangkay ng 27-anyos na si Mary Myrthel Sabsalon sa ilog sa may Brgy. Tañong, ng naturang lungsod. 

Nabatid na nilagyan ng batong pampabigat ang bangkay na napatid lang kaya ito lumutang. Tadtad din ng saksak ang bangkay.

Ang bangkay ay positibong kinilala ng ina nito na si Aling Thelma.  

Sa imbestigasyon na Hunyo 21 nang magpaalam si Sabsalon sa ina na pupuntahan ang nobyong si Abgao. 

Nang hindi na ito bumalik ng bahay ay naghinala ang ina hanggang sa pakiramdam umano niya ay pinagmumultuhan siya ng anak.

Nabatid na unang naimbitahan sa Barangay Hall ng Tañong sina Sabsalon at Abgao nang makitang mainitang nagtatalo sa kalsada at nagkaayos din sa kalaunan.

Hindi mahagilap ngayon si Abgao sa tinutuluyan nito at hindi na rin pumapasok bilang security guard ng MMDA Anchor Barge sa may C4 Road, Brgy. Tañong.

Show comments