Ina pinugutan, binalatan ng anak

MANILA, Philippines - Mistulang kinatay na hayop ang isang 55-anyos na ginang ng sariling anak matapos na pugutan ng ulo ay balatan pa ang mukha nito na naganap sa loob ng kanilang bahay sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte kamakailan.

Ang biktima ay kinilalang si Nelia Orbita Paculba, biyuda,  residente ng San Antonio, Purok 8, Babak District, Garden  City of Samal. Habang naaresto ang suspek na kanyang anak na si Reynold Paculba, 25.

Sa ulat na natanggap ni  Chief Inspector Benedicto Faco, hepe ng Babak Police Station na ang insidente ay naganap sa loob ng bahay ng mag-ina dakong alas-3:35 ng  hapon.

Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina sa hindi malaman na dahilan na kung saan sa kasagsagan ng pagtatalo ay bigla na lamang hinablot ng suspek ang ina at pinugutan ng ulo gamit ang 17 pulgadang itak.

Kinuha nito ang pugot na ulo ng biktima at bina­latan ang mukha.

Nasaksihan ang krimen ng isang 5-anyos na pamangkin ng suspek na mabilis na humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

Nagresponde ang mga pulisya sa lugar at dito ay inaresto ang suspek na umano ay nagkaroon ng diperensiya sa pag-iisip simula ng mamatay ang ama noong Hulyo 2.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek na kinasuhan ng parricide.

 

Show comments