MANILA, Philippines - Hindi na umubra sa ikalawang pagkakataon na muling makapangholdap ang isang suspek na ang modus operandi ay kunwaring nagbebenta ng mga gadget sa internet at kapag may naka-deal ay magtatagpo sila ng buyer na kung saan ay doon na ito hoholdapin naganap kamakalawa sa Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Robert Joaquin, 32, binata, residente ng Block 6, Lot 8, Metrovilla Subdivision, Valenzuela City na naaresto matapos holdapin ang ka-deal na si Kirk Andrew Maglaya, 32, trader, may-asawa ng Tandang Sora, Quezon City.
Batay sa ulat, bago naaresto ang suspek dakong alas-7:15 ng gabi sa harap ng simbahan sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue, Brgy. Pag-ibig ng lungsod ay tinext ng una ang biktima na magkikita sa nasabing lugar para doon bayaran ang ipinost na Iphone 5 sa internet.
Nang magkita na ang dalawa sa halip na Iphone 5 ang inilabas ng suspek ay naglabas ito ng patalim at tinutukan ang biktima sabay deklara ng holdap.
Tinangay ng suspek ang dalang cellphone ng biktima at saka nagtatakbo patungong northbound lane ng A. Bonifacio.
Hindi nasiraan ng loob ang biktima at humingi ng saklolo na nakakuha ng atensyon sa ilang taumbayan at hinabol ang suspek at nang maabutan ay ginulpi ito.
Lumilitaw na ikalawang pagkakataon nang nabiktima ng suspek ang biktima sa kahalintulad na modus operandi naganap noong May 7, 2014 sa may kahabaan ng J. Manuel St., Grace Park Caloocan City.
Kasong robbery-holdup at paglabag sa city ordinance no. 5121 o concealing deadly weapon ang isinampa ng otoridad sa city prosecutor’s office sa suspek.