MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong miyembro ng pamilya habang tatlo ang malubhang nasugatan matapos aksidenteng sumabog ang rifle grenade kamakalawa sa Brgy. Lumasal, Maasim, Sarangani.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Rolando Tamuay, 32; kapatid nitong si Jenny Dula, 36; at anak nitong si Jinky.
Nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Laila, misis ni Rolando na 3 buwang buntis, pinsan nitong si Dinah Abey, 32 at Maming Cabelol, 55.
Sa ulat ng Maasim Police, dakong alas-7:00 ng umaga ay kasalukuyang nag-aalmusal ang pamilya ng maganap ang insidente sa Brgy. Lumasal ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon kasalukuyang nag-aalmusal ang miyembro ng pamilya nang bigla na lamang sumambulat ang 40 MM rifle grenade na sumapul sa mga biktima.
Nabatid na ang nasabing 40MM rifle grenade ay napag-alamang napulot ni Rolando sa kaniyang bukirin na iniuwi nito sa kaniyang tahanan upang ibenta umano sa junkshop.
Aksidente itong nalaglag sa bulsa ni Rolando kaya’t sumabog na ikinapahamak niya at maging ng miyembro ng kanilang mga pamilya.