MANILA, Philippines - Hinimok ng Association of Major Religious Superior of the Philippines for Men ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na aminin ang kanilang pagkakamali sa Disbursement Acceleration Program na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Iginiit ni AMRSP for Men Executive Secretary Father Marlon Lacal na dapat ipakita ng administrasyong Aquino ang kanilang sinseridad at patunayan sa taongbayan na ang pondong mula sa DAP ay hindi nila ginamit para bilhin ang loyalty ng mga Senador at mga Kongresista para mapatalsik sa puwesto si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Nanawagan din si Father Lacal kay Pangulong Aquino na bumuo ng isang “Independent body” na mag-iimbestiga kung tunay nga bang napunta sa taong-bayan ang pondo ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Office of the President at kung hindi ay dapat na may managot dito.
Naniniwala rin ang pari na sakaling ginastos ang kaban ng bayan sa maling pamamaraan, kailangan ng kumilos para papanagutin ang mga sangkot sa DAP scam.
Pinuna din ni Father Lacal ang tila nakaugaliang “wow mali” policy ng kasalukuyang administrasyon.
Inihayag ng pari na lagi na lamang may palpak ang Malacañang sa kanilang mga ipinatutupad na polisiya kung saan unang idineklarang labag sa Saligang Batas ang Executive Order No.1 o Truth Commission.
Sang-ayon ang pari sa mga reaksyon na ang mga tao ng Pangulong Aquino ang nagpapahamak sa kanya dahil sa mga maling impormasyon at mga payo nito sa pagpapatakbo sa gobyerno.
Iginiit ni Father Lacal na pinatatakbo ang gobyerno ng Pilipinas ng mga palpak na bagito.