MANILA, Philippines - Pinadadampot na rin ng Sandiganbayan 3rd division si Senador Juan Ponce Enrile kasama ang kanyang Chief of Staff na si Jessica Lucila “Gigi” Reyes, Janet Lim Napoles, driver nitong si John Raymund de Asis at pamangkin na si Ronald John Lim kaugnay ng kinasasangkutang kasong plunder may kinalaman sa pork barrel scam.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Sandiganbayan 3rd division, ibinasura ng graft court ang mga mosyon ng naturang mga akusado dahilan sa kakulangan ng merito at dahil na rin sa pagkakaroon ng probable cause para madiin ang mga akusado.
Unang ibinasura ng Sandiganbayan ang motion to dismiss at motion to bail na inihain ni Enrile at ang motion to suspend proceedings na isinampa naman ni Reyes.
Sa kasong ito ay idinetalye ni Ruby Tuazon kung paano kumita sa pag-kickback si Enrile sa naturang pondo dahil iniabot niya ang komisyon ng mambabatas kay Reyes at dalawang beses na dumaan si Enrile sa kanilang pulong ni Reyes.
Si Enrile, 90, ang pinakamatandang mambabatas na sangkot sa pork barrel scam. siya ay maysakit na diabetes, sakit sa mata, puso, alta presyon at vertigo.
Sinasabing dapat ay sa custodial center ng PNP dalhin si Enrile dahilan na rin sa ang lahat ng akusado sa pork scam ay dito dinadala.
Inaasahang makakasama na ni Enrile sa kulungan ang kapwa senador na may kaso kaugnay ng pork scam na sina Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Si Enrile ay sumuko sa Kampo Krame at dapat na ikulong sa custodial center ng PNP kasama sina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla na kapwa isinasangkot sa pork scam.
Pasado alas-5:29 ng hapon ng dumating ang convoy ni Enrile sa Camp Crame na tumuloy sa PNP Multi Purpose Center kung saan agad itong isinailalim sa ‘booking process ‘ tulad ng mugshot, finger printing, medical at physical examination.
Ang convoy ng Senador na kasama ang kaniyang pamilya kabilang ang anak na sina dating Cagayan Rep. Jackie Enrile at Katrina Enrile ay galing sa kanilang tahanan sa Dasmariñas Village sa Makati City.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, nakumbinse niyang boluntaryong sumuko ang Senador at dumeretso sa Camp Crame para sumailalim sa normal na proseso ng booking process sa halip na sa Sandiganbayan unang tumuloy dahilan hindi na ito aabot sa hanggang alas-5 ng hapon na ‘working hours ‘ sa anti-graft court.
Aniya, dalawang kuwarto ang inihahanda ng PNP sa General Hospital nito para kay Enrile, ang unang kwarto ay ang tinawag na specialty ward na may aircon, isang hospital bed na may oxygen at may banyo na naka-tiles at may lawak na 3.5 by 3 square meter habang ang ikalawang kwarto ay ang tinawag na Public Order Violators (POV) room na may isang hospital bed, may CR na walang pintuan, walang electric outlet at may lawak na 2.5 by 4 square meter.
Bukod dito ay nakahanda na rin ang selda ni Enrile sa PNP Custodial Center kung saan nakapiit ang una nang nagsisukong sina Senador Ramon ‘Bong “Revilla at Jinggoy Estrada.
Nilinaw ng opisyal na kung saan aaprubahan ng Sandiganbayan ang “commitment order” para kay Enrile ay sa nasabing detention facility ipipiit si Enrile at kung payagan naman ang hospital arrest ay sa PNP General Hospital.
Tiniyak naman ni PNP General Hospital Director Sr. Supt. Jeremy Zulaybar, na hindi makakaapekto sa operasyon ng hospital sakaling ipag-utos ng Sandiganbayan na sa PNP General Hospital sa Camp Crame ikukulong si Enrile.
Samantalang sa isang television interview ay sinabi naman ni dating Cagayan Rep. Jack Enrile, anak ng Senador na ginagawa na ng legal team ng kaniyang ama ang kanilang mga hakbang para sa hospital arrest ni Enrile.