MANILA, Philippines - Isang 61-anyos na negosyanteng ginang at isang 59-anyos na seaman ang kapwa nasawi matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa magkahiwalay na pangyayari.
Namatay noon din ang ginang na si Editha Domingueto, ng no. 32 San Agustin, Arty, Brgy. Gulod, Quezon City matapos barilin sa ulo ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo dakong alas-6:30 ng gabi habang ito ay nakikipag-kuwentuhan sa kanyang kapitbahay.
Namatay din ang seaman na si Danilo Alejo, ng building 22 Unit 505 Permanent Housing, Tondo Maynila nang barilin sa dibdib ng hindi pa nakikilalang mga suspek kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Sa imbestigasyon, dakong alas-8:00 ng gabi habang sakay ng EILUJ taxi (TXV-173) nang lapitan ito ng isang lalaki paghinto ng taxi sa kanto ng Honorio Lopez Blvd., at Rodriguez St. sa Balut, Tondo.
Nabatid na patungo sana ng Canlubang, Laguna ang biktima kasama ang kanyang pamilya upang bisitahin ang kanyang mga kamag-anak.
Matapos na barilin ay sumakay ang gunman sa motorsiklo na naghihintay sa kanya.
Nabatid na kauuwi pa lamang ng biktima mula sa Middle East noong Hunyo 23. (Ricky Tulipat, Doris Franche-Borja)