DLSU student utas sa hazing, 3 pa kritikal

Ang bangkay ng hazing victim na DLSU student na si Guillo Cesar Cervando. -EDD GUMBAN-

MANILA, Philippines -  Utas ang isang estudyante ng De La Salle University (DLSU) habang kritikal ang tatlong pang kasama matapos ang madugong initiation rites o hazing  ng isang fraternity sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi .

 Sa imbestigasyon  ni PO2 Michael G. Maraggun ng MPD homicide, pasado alas-12:35 ng madaling-araw noong  June 29, 2014 nang itawag sa pulisya  ang  pagkamatay ng biktimang si Guillo Cesar Servando, 18,  second year college sa College of Saint Benilde ng DLSU at residente ng 8809 Sampaloc St., San Antonio Village, Makati City.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Philippine General Hospital  sina John Paul Raval, 18,  nanunuluyan sa 29th Floor ng One Archer’s Place condominium;  Levin Roland Flores, 17, ng Vista Berde,  Barangay San Isidro, Cainta, Rizal at Lorenze Agustin, 18, ng NLK 4, Unit 402, Prime City, St Paul Road, Barangay San Antonio, Makati City, pawang estudyante ng DLSU.

Sangkot umano sa nasabing insidente ang isang Trex Garcia, isang Hans Tamaring at iba pang hindi pinanga­lanang  lalaki.

Ayon kay PO2 Maraggun, alas-10:48 ng gabi  natagpuan ang wala ng buhay na katawan ni Servando sa loob ng  Unit 2907 sa ika-29 na palapag ng One Archer’s Place.

Bago ang insidente, alas-5:30 ng hapon noong Sabado, sina Servando, Raval, Flores at Agustin ay sinundo umano  ng isang lalaki na kinilala lamang sa alyas na Aircon, mi­yembro at secretary  ng Alpha Kappa Rho (AKRHO) Fraternity ng University of Sto. Tomas, sa harap ng McDonalds sa tabi ng DLSU sa Taft Avenue, Maynila.

Pagkasakay umano ng apat na estudyante sa isang kulay berdeng Honda CRV  ay piniringan na umano  ni Aircon at kanyang mga kasama ang mata ng apat na DLSU student saka sila dinala sa hindi natukoy na lugar  kung saan sila ay unang sumailalim sa initiation rites.

Matapos ang initiation rites sa apat na neophytes,  inilipat sila sa condo unit ni Raval, kung saan sinasabing nawalan ng ulirat at bumagsak  si Servando.

Agad umanong humingi ng responde si Raval sa Patrol 117 hanggang sa rumesponde na rin ang Philippine Red Cross, tinangka umanong isailalim sa  first aid si Servando subalit  hindi na naisalba ang kanyang buhay.

 

Show comments