MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang tatlong lalaki na miyembro ng elementong kriminal kabilang ang isang suspek sa Maguindanao massacre sa isinagawang raid sa hideout ng mga ito sa Cotabato City kahapon ng umaga.
Isa sa tatlong napatay ay kinilalang si Muktar Santo, may patong sa ulo na P250,000 at suspek sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009 na ikinasawi ng 58 katao kabilang ang 32 mediamen.
Ang dalawang iba pa ay pawang nakasuot ng camouflage ay may patch na nakalagay dito na apelÂyidong Kamaong at Sangki na natukoy na miyembro ng gun for hire at nasa likod ng serye ng krimen sa Central Mindanao.
Batay sa ulat, bandang alas-5:30 ng umaga nang magsagawa ng raid ang mga otoridad sa hideout ng mga suspek sa Block 4, Lot 6, Bagua Dos ng lungsod para isilbi ang warrant of arrest laban kay Santo.
Subalit, sa halip na sumuko ay pinaputukan ng mga ito ang mga pulis na nauwi sa shootout.
Tinangka pang maghagis ng granada ng isa sa mga suspek, pero naging mabilis naman ang mga operatiba na pinaputukan ito bago pa man matanggalan ng pin ang eksplosibo at sa kasagsagan ng palitan ng putok ay isa-isang bumulagta ang mga suspek.
Bago ang insidente ay nakatanggap ng imporÂmasyon ang mga otoridad na nagtatago sa lugar si Santo kaya ikinasa ang raid.
Nasamsam sa pinangyarihan ang isang baby armalite rifle, isang caliber. 45 pistol, anim na granada, mga bala, dalawang camouflage uniform, isang bullcap at dalawang pares ng combat shoes.