Mister nagbigti dahil sa pagsasaing

MANILA, Philippines - Nauwi sa tampuhan ang isyu ng pagsasaing o pagluluto ng kanin ng isang mag-asawa na na­ging dahilan para tapusin ng isang mister ang kanyang buhay sa pamamagitan nang pagbibigti naganap kamakalawa sa Zamboanga City.

Natagpuan ang biktima na kinilalang si Salvador Estaniel, 23-anyos, ng Baliwasan Grande ng lungsod na nakabigti sa loob ng kanilang bahay.

Bago natagpuang naka­bigti ang biktima ng kanyang misis na si Roselyn, dakong alas-7:08 ng gabi ay nagkaroon muna ng pagtatalo ang mag-asawa kung sino at kung paano isasaing ang kanilang bigas.

Nauwi sa tampuhan ang pagtatalo hanggang nagkulong sa kanilang silid ang  mister habang naglaba naman ng kanilang mga damit ang misis.

Matapos maglaba ay tinungo ng ginang ang kanilang silid upang yayain ng  kumain ang mister, suba­lit laking gulat nito nang makitang naka­bigti ito at wala nang buhay.

Humingi ng tulong ang ginang sa kanilang mga kapitbahay upang maibaba ang biktima at madala sa pagamutan, pero idineklara itong dead on arrival.

 

Show comments