MANILA, Philippines - Muling ipinagpaliban ng Court of Tax Appeals ang pagbasa ng sakdal kay dating Chief Justice Renato Corona kaugnay ng kinakaharap na tax evasion case.
Hindi natuloy ang arraignment kay Corona dahil mayroon pang nakabinbing mosyon ang kampo nito na dapat resolbahin ng tax court hinggil sa motion to quash na naisampa noong Mayo 28 at may naka-pending pang motion to review na pinaÂreresolba sa Department of Justice.
May naisampa ring motion for reconsideration si Corona nang idismis ng Tax Court 2nd division ang mosyon na mapagsama-sama ang kanyang tax case sa iba pang tax cases na naisampa sa kanya na nakabinbin sa iba pang dibisyon ng CTA.
Itinakda ang susunod na arraignment sa August 27, 2014. Si Corona ay nahaharap sa P120.5 million tax liabilities dahil sa hindi umano pagdeklara ng tama sa kanyang kita sa income tax returns nito noong taong 2003, 2004, 2005, 2008 at 2010.
Ilan sa sinasabing di naideklarang yaman ni Corona bukod sa bank deposits ay ang condominium unit sa Columns sa Ayala Avenue na may halagang P3.6 million noong 2004 at lupain sa Fort Bonifacio na may halagang P9.16 million noong 2005. Si Corona ay natanggal sa puwesto bilang punong mahistrado sa pamamagitan ng impeachment noong 2012.