Police striker dedo sa ‘Oplan Sita’

MANILA, Philippines - Isang 31-anyos na lalaki na striker ng Baseco Police Community Precinct ang pinagbabaril ng tatlong lalaki na sakay ng tricycle na kanyang hinabol matapos hindi huminto kamakalawa ng gabi sa Port Area, Maynila.

Namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa apat na tama ng bala ang biktimang si Jefferson Barrel, striker o utusan ng Baseco PCP, at residente ng Int. 9 Pilar St., Tondo, Maynila.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:45 ng gabi ay nagsasagawa ng Oplan Sita ang Baseco PCP sa 2nd St.,  Port Area, kung saan ay nandoon ang biktima.

Dito ay dumaan ang isang tricycle na kinalululanan ng  tatlong suspek  at pinara ito ni PO2 Abel Sadiosa.

Subalit sa halip na huminto ay tuluy-tuloy na pinatakbo ang tricycle kaya’t  hinabol ito ng  biktima sakay ng motorsiklo.

Ilang saglit ay nakarinig nang sunud-sunod na putok ang mga pulis at pinuntahan ang biktima at dito ay nakita nilang naghahabol na ng hininga kaya’t mabilis na dinala sa ospital, subalit bandang alas-11:10 ng gabi ay nasawi rin ito.

Show comments