Pasahero sa Pasig ferry matumal
MANILA, Philippines - Matumal at kakaunti na lamang ang sumasakay sa Pasig River Ferry Service dahil sa inumpisahan na kahapon ang paniningil ng pasahe.
Ito ang sinabi ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hindi tulad noong ito ay libre pa ang sakay ng mahigit dalawang linggo.
Noong libre pa ang pasahe ay alas-6:00 ng umaga pa lamang ay mahaba na ang pila ng mga gustong sumakay at kadalasang hindi naisasakay ang lahat ng nakapila sa unang biyahe.


Subalit sa unang araw nang paniningil ng pamasahe ay kaunti lamang ang tumangkilik na kung saan mula Pinagbuhatan, Pasig Station patungong Guadalupe, Makati Station ay lima lamang ang naging pasahero.
Posible, anya na ang isa sa dahilan nang hindi pagtangkilik ng ferry ay mahal ang pamasahe na ikinagulat ng ilang pasahero na umabot sa P30 hanggang P50 ang pasahe.
Ayon sa ilang mananakay, mas pipiliin na lamang nilang sumakay sa jeep kung saan anila sila makakamura.
Nabatid, na noong Huwebes ay naglabas ng taripa ang Department of Transportation and Communication (DOTC) na siyang pamasaheng sinusunod ng MMDA.
- Latest