De Lima humirit ng extension sa pagsumite ng ‘Napolist’

MANILA, Philippines - Kung naibigay na ni rehabilitation czar Panfilo Lacson sa Senado ang kanyang ‘Napolist’ na galing sa mister ni Janet Napoles na si Jimmy ay humirit naman si Justice Secretary Leila De Lima ng extension o karagdagang panahon sa Senate Blue Ribbon Committee para sa pagsusumite ng listahan at affidavit mula kay Janet.

Idinahilan ni De Lima na malabo umanong matapos ngayon ang se­cond affidavit ni Napoles na naglalaman ng higit na  kumpleto at detal­yadong salaysay laban sa mga sinasangkot  sa pork barrel scam.

Una nang sinabi ni De Lima noong Miyerkules na  nakapagsumite na  ng initial affidavit sa DOJ ang kampo ni Napoles ngunit iyon ay limitado pa lamang sa naging transaksyon niya sa mga mambabatas na kasama sa unang batch ng mga inireklamo sa Ombudsman kaugnay sa PDAF scam at Malampaya fund scam.

Nalagdaan na aniya ni Napoles ang initial affidavit ngunit  hinihintay pa umano ang ikalawang affidavit na inaasahang magla­lantad sa naging tran­saksyon ni Napoles sa lahat ng mga  mambabatas na inilagay niya sa kanyang listahan.
 

Show comments