Pulis inutas ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang pulis nang ito ay pagbabarilin habang sakay ng kanyang motorsiklo ng dalawang lalaki na sakay din ng motorsiklo kamakalawa sa Jumbo Bridge, Cadena de Amor, Guiwan, Isabela City.

Ang nasawing biktima ay kinilalang si SPO1 Mamduh Abubakar Balahim, nakatalaga sa Isabela City Police Station sa lalawigan ng Basilan.

Sa ulat, dakong alas-5:15 ng hapon ay lulan ang biktima ng kanyang Honda XR200 nang sundan ng mga suspek na nakasuot ng kulay itim na jacket at kulay itim ring helmet  na sakay ng  Honda Wave 200.

Pagdating sa nasabing lugar ay dinikitan ng mga suspek ang biktima at pagkatapos ay pinagbabaril.

Nagtamo ang biktima ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek nang masigurong patay na ang kanilang target.

Narekober sa lugar ng insidente ang walong basyo ng bala ng cal. 45 pistol at ang cal. 9 MM Beretta service pistol ng nasabing pulis na nabigong mata­ngay ng mga suspek.

Nabatid na kasalukuyang nagi-schooling sa Disaster Search and Rescue Management  Trai­ning Unit sa Camp Col. Abendan, Mercedes sa Zam­bonga City ang biktima.

Show comments