Municipal admin sa Cebu huli sa drug den
MANILA, Philippines - Isang 60-anyos na municipal market administrator sa Cebu, kasama ang apat pang kalalakihan ang nadakip ng mga awtoridad sa ginawang pagsalakay sa bahay ng una na ginagawa umanong drug den, iniulat kahapon.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)Director General undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang mga suspects na sina Jose Perfecto Amadora, Sr., administrator ng Dumanjug Municipal Market sa Cebu; Loverjan Castro, 20; Michael Piega, 40; Ronilo Meguiso, 33; at Emilio Sabino, 33.
Ayon kay Cacdac si Amadora ay kabilang sa listahan ng drug personalities ng Central Visayas at ang co-leader ng Nilo Quirante Drug Group na tugis ng kanilang kagawaran.
Nadakip ang mga suspek ng tropa ng PDEA Regional Office 7 (PDEA RO7) sa pamumuno ni Officer-In-Charge Director Espiridion Javier, makaraang ipatupad ang search warrant na inisyu ni Honorable Wilfredo Navarro, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 19 sa lalawigan sa bahay ni Amadora na matatagpuan sa Barangay Cogon, Dumanjug, Cebu.
Sa pagsisiyasat, narekober ng awtoridad ang 20 transparent plastic sachets na naglalaman ng may 100 gramo ng shabu, mga drug paraphernalia, dalawang Caspian cal .40 pistol, may 500 rounds ng bala at cash na benta umano sa iligal na droga na may iba’t-ibang denominasyon at aabot sa P2,167.
Dahil ang bahay ni Amadora ay nagsisilbi ring drug den nadakip ang apat pang suspects na kustomer sa naturang drug den.
Si Amadora ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 6 (Maintenance of a Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), article II, ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at ang apat pang buyer ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 7 (Visitors of a Drug Den).
- Latest