Radio station manager dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Isang radio station manager  ang pinagbabaril ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa naganap na ambush sa Bongao, Tawi-Tawi, kamakalawa.

Nasawi noon din ang biktimang si Richard Najid, 35, station manager ng DXNN Power Mix FM sa Bongao.

Ang biktima ay kilala rin bilang si “DJ Troy” Rajid na naging  reporter din ng DXGD sa Jolo, Sulu bago ito lumipat sa DXNN PowerMix FM sa Tawi-Tawi.

Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi ay sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo at pauwi na buhat sa paglalaro ng basketball game sa Brgy. Tubig Boh, Bongao nang ito ay pagbabarilin ng mga suspek.

Ang biktima ay nasawi habang isinusugod sa pagamutan.

Patuloy ang imbestigasyon kung may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang sa biktima.

Sa tala ng National Union of Journalists si Rajid ang ika-27 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Show comments