MANILA, Philippines - Nakakulong na ngayon sa punong tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Taft Avenue, Maynila sina Cedric Lee at Simeon Raz na kapwa pangunahing akusado sa kasong serious illegal detention at pambubugbog kay actor/tv host Vhong Navarro.
Nabatid na dakong alas-8:00 ng umaga, nang lumapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport ang sinakÂyang Philippine Air Lines (PAL) ng mga akusado at mga tauhan ng NBI na nakadakip sa kanila.
Gaya ng karaniwang nahuhuling suspek, sina Lee at Raz ay nakaposas nang dumating, agad na isinakay sa naghihintay na convoy ng NBI kasama ang apat na tauhan ng ahensya at idiniretso sa NBI headquarters.
Ngumiti pa sa media si Lee at sinabing hindi sila nasakote o naharang kundi sila ay kusang loob na sumuko sa NBI. Binanggit din nila na hindi sila nagtatago.
Pagdating naman sa NBI headquarters, agad na isinailalim sa proÂseso ng pagkakadakip sa dalawa gaya fingerprints at pagkuha ng mugshots.
Nagtungo rin sa NBI ang pamilya ng dalawang suspek kasama si Berniece Lee na kapatid ni Cedric na akusado rin sa kaso at counsel na si Atty. Howard Calleja.
Matatandaang pasado alas-11:00 ng tanghali noong Sabado, sina Lee at Raz ay naaresto sa Oras, Eastern Samar.
Ang dalawa ay mananatili sa kulungan ng NBI hanggang maibalik sa sala ni Judge Paz Esperanza M. Cortes ng Taguig City Regional Trial Court Branch 271 ang warrant of arrest.
Inaasahan din na ngaÂyon magdedesisyon si Judge Cortes kung saan ikukulong sina Lee at Raz.
Payo ng NBI sa iba pang akusado na sumuko na lamang upang hindi na mahirapan. Patuloy pang tinutugis sina Deniece Cornejo, Jed Fernandez at Ferdinand Guerrero.