MANILA, Philippines - Niratrat ng nasa 20 armadong rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang isang mayor matapos na salakayin ang munisipyo sa kalagitnaan ng flag raising kahapon ng umaga sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Ang nasawi ay kinilaÂlang si Gonzaga Mayor Carlito Pentecostes Jr.
Sa ulat na nakarating kay Cagayan Provincial Police Office Director P/Supt. Gregorio Lim na dakong alas-8:00 ng umaga habang nagpa-flag ceremony sa tapat ng munisipyo ay biglang sumulpot ang nasa 20 armadong NPA rebels at niratrat si Pentecostes.
Namatay noon din ang alkalde sanhi ng tama ng malalakas na kalibre ng armas.
Ayon naman kay Major Emmanuel Garcia, Commander ng 1st Civil Relations Group ng AFP Northern Luzon Command ang mga rebelde ay lulan ng dalawang van at nakasuot ng uniporme ng pulis kaya’t hindi inakala ng mga empleyado ng munisipyo na mga rebeldeng NPA ang mga ito.
Dinisarmahan ng mga rebelde ang tatlong pulis na nagtra-trapiko sa lugar at puwersahang kinuha ang kanilang mobile cars at ginamit na get away vehicle.
Idinispatsa ang tropa ng Army’s 502nd Infantry Brigade, CAFGU upang tumulong sa puwersa ng pulisya sa pagtugis sa mga rebelde.