Wanted na rapist nag-selfie sa FB, huli

MANILA, Philippines - Mistulang ipinaaresto mismo ng isang lalaki na wanted sa kasong rape ang sarili matapos na naging susi ang pag-aresto sa kanya nang siya ay mag-selfie sa facebook matapos itong matunton ng mga otoridad sa kanyang pinagtataguan sa Bogo City, Cebu kamakalawa.

Kinilala ang nasakoteng suspek na si Niño Cuevas, 20, isang habal-habal driver  na halos 2 taon na nagtago sa batas at itinuturing na most wanted sa Cebu kaugnay ng kasong pagdukot at panggagahasa sa isang dalagitang high school student.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Regional Trial Court (RTC) Judge Rafael Yrastorza noong 2012 matapos ang kasong kriminal na kinasangkutan sa lungsod ng Mandaue ng lalawigan.

Base sa report, nakilala at natunton ng mga otoridad ang kinaroroonan ni Cuevas dahil sa “selfie post” sa facebook nang matukoy ang background ng nasabing “selfie photo” nito.

Natunton ang kinaroroonan ng suspek dahilan sa ma­laking rebulto ng dambana ng Our Lady of the Miraculous Medal na matatagpuan sa Bogo City na ginamit nitong background sa kaniyang larawan.

Bandang alas-4:00 ng hapon nang masakote ang suspek kasunod ng binuong team ng Mandaue City Police na nakipag-ugnayan sa mga otoridad ng Bogo na nagresulta sa pagkakadakip sa nasabing suspek.

Noong  Mayo 2012 ay naging pasahero ng suspek ang biktima na estudyanteng sa high school at pauwi na sana sa kanilang bahay. pero sa halip na iuwi ay sapilitang dinala ng suspek  sa liblib na lugar sa Mandaue City at doon hinalay.

 

Show comments