Sunog: lola, 2 apo tupok

MANILA, Philippines - Natagpuan ng mga bumbero ang sunog na bangkay ng isang lola at dalawa nitong apo na magkaka­yakap matapos na matupok ang kanilang bahay sa naganap na sunog dahil sa natumbang gasera kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Zenaida Delos Santos, 68-anyos; dalawang apo na sina Roniel Delos Santos, 8 at Aria­na Delos Santos, 1, na magdidiwang sana ng kaarawan kahapon.

Batay sa ulat, dakong alas-12:08 ng madaling-araw nang makarinig nang pagsabog mula sa unang palapag ng bahay ng pamilya Delos Santos  na matatagpuan sa Paco St., Coco Hills, Barangay Bagumbayan ng lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon na walang kur­yente ang pamilya Delos Santos kaya’t gumagamit ang mga ito ng gasera.

Malaki ang hinala ng pulisya na aksidenteng natabig ang nakasinding gasera habang ang mga biktima ay nasa kasarapan ng tulog at mabilis na kumalat ang apoy.

Hindi na nakalabas ang mga biktima dahil sa biglaang paglaki ng apoy hanggang sa lamunin ang buong kabahayan.

Umaabot sa P100,000,00 halaga ng mga ari-arian ang naabo sa humigit kumulang na isang oras na sunog.

Show comments