MANILA, Philippines - Isang masusi at agarang imbestigasyon ng Kongreso ang kahilingan ni ABAKADA Partylist Rep. Jonathan dela Cruz tungkol sa umano’y kaduda-dudang pagbibigay ng isang P3.8-bilyong kontrata ng Department of Transportation and Communications-Land Transportation Office (DOTC-LTO) sa isang kumpanya na pangalawa lamang sa pinakamababa ang isinumiteng bid kahit na walang malinaw na pagkukunan ng pondo.
Inihayag ni Dela Cruz sa inihaing House Resolution 977, na noong Peb. 20, 2013 ay nagpahayag ng bidding ang DOTC at LTO para sa supply at delivery ng mahigit 14,200,000 motor vehicle license plates sa ilalim ng ‘Motor Vehicle License Plates Standardization Program sa halagang P3,851,600,100.
Ang budget ay manggagaling dapat sa General Appropriations Act (GAA) ng 2013, ngunit ang inaÂprubahang budget kalaunan ay P187, 293,100.
Nagtataka si Dela Cruz na sa halip kumilos ang DOTC/LTO para mapasama ang kakulangan sa budget sa 2014 GAA ay wala umanong ginawa ang mga nasabing ahensiya at patunay ang kawalan ng anumang kahilingan ng dagdag na pondo sa ilalim ng ‘Motor Plate Making Project MV/MC Standardization’ sa 2014 GAA.
Dagdag pa rito na hindi rin nag-apply, kaya’t hindi rin nabigyan, ang DOTC-LTO ng Multi-Year Obligational Authority (MYOA) ng Department of Budget and Management (DBM) kahit na ito ay nakasaad na requirement sa ilalim ng Republic Act (RA) 9184.
Sa kabila anya ng lahat ng kakulangan ngrekisitos ay itinuloy pa rin umano ng DOTC-LTO ang bidding para sa naturang proyekto at kinalaunan ay binigyan ng notice of award sa kumpanya noong Hulyo 22 ng nakalipas na taon gayung pangalawa lamang ito sa pinakamababang bid.
Ang kontrata ay pinirmahan, at ang notice to proceed ay inilabas noon lamang Peb. 21 ng kasalukUyang taon o makaraan ang 210 na araw.