Binatilyo na inakalang magnanakaw utas sa sekyu
MANILA, Philippines - Inakalang magnanakaw ang isang 17-anyos na binatilyo nang barilin habang naliligo sa dagat ng isang sekyu na bantay sa mga nakaparadang barko at lantsa sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa ospital ay nakilalang si Roland Dagudoy, 4th year high school student, at residente ng C. Arellano St., Brgy. San Agustin, Malabon. Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang 10-anyos na si Christian Santos, grade 4 student na tinamaan din.
Ang suspek na nadakip ay kinilalang si Jose Jungle Gonorga, 25, security guard ng isang shipyard sa may DRB Compound sa no. 32 C. Arellano St., ng lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng hapon naliligo ang dalawang biktima kasama ang isa pang barkada sa dagat nang magkakasunod na binaril sina Dagudoy at Santos.
Agad na sinaklolohan ng kabarkadang si Erwin at humingi ng tulong para maisugod ang mga biktima sa pagamutan.
Hindi na umabot ng buhay sa JRMMC si Dagudoy dahil sa tama ng bala sa kaliwang mata habang malubha naman si Santos na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang mukha.
Sinabi ng suspek na inakala niyang mga magnanakaw na tumatangay ng mga bakal sa shipyard ang mga biktima na ginagamit ang ilog sa pagpuslit sa compound.
- Latest