5 bangkay nakuha sa lumubog na Ferry Boat

MANILA, Philippines - Limang bangkay na ang narekober sa karagatang sakop ng Ternate Cavite mula sa lumubog na Ferry Boat (FB) nitong nakalipas na Miyerkules ng gabi.

Bandang alas-7:00 ng umaga kahapon nang lumutang pa ang isang bangkay ng lalaki na inilarawang nakasuot ng t-shirt na grey, naka-brief, tinatayang nasa 5’6 hanggang 5’7 ang taas at nasa edad 27 hanggang 30.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang search and rescue operation ng mga divers ng Philippine Coast Guard (PCG) upang mahanap pa ang lima  sa sampung mangingisda na pinaniniwalaang na-trap sa loob ng nasabing bangka.

Inulat naman ni  PCG spokesperson Commander Armand Balilo, na nitong Sabado ay magkasunod na narekober ang  dalawa pang bangkay na kinilalang sina Romnick Rosales at Ruben Ursal.

Unang narekober ang isang bangkay makalipas ang  12 oras noong Huwebes, habang ang isa ay narekober noong Biyernes.

Samantala, pinadalahan na ng subpoena ang mga opisina ng  dalawang cargo vessel na  M/V Virginia Kalikasan at  M/V Ocean Hope, na nakadaong sa Port of Manila para sa isinasagawang imbestigasyon upang mabatid kung alin sa mga ito ang nakabangga sa  FB Dan Israel.

 

Show comments