MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng opisyal ng Department of Tourism (DOT) na nakatalaga sa Boracay Island, Malay, Aklan ang mga pahayag nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas at broadcaster Ted Failon na nakasunod na ang 97 porsiyento sa ‘25+5-Meters Rule’ o ang 30 metrong easement mula sa dalampasigan ng isla.
Ayon kay DOT Boracay Office officer-in-charge Artemio Ticar, marami pang dapat buwagin na lumalabag sa 30 meters easement ngunit hindi niya tinukoy ang mga establisimyentong ito.
“Almost 93 illegal structures na ang binuwag namin pero marami pa rin ang pinadalhan na namin ng notice,†ani Ticar.
Ayon sa isang residente ng Brgy. Manoc-Manoc sa Boracay Island na si Bert dela Cruz na maraming lumalabag sa nasabing batas tulad ng dalawang establisyimento sa Station 1 na ang isa ay pag-aari ng isang public official.
Kaya malaking kasinungalingan ang pahayag nina Roxas at Failon na Boracay West Cove na lang ang hindi sumusunod dahil wala namang beach ang nasabing resort.
Idinagdag ni Dela Cruz na marami ring kagubatan sa isla ang naibenta lalo sa mga dayuhan gayong wala namang titulo at napatayuan pa ng mga establisimyento kaya’t magugulat na lang ang mga tagarito dahil pulos dayuhan na ang may-ari ng malaking bahagi ng isla na nagsipag-asawa lamang sa lugar.
Dapat din anya na imbestigahan dahil nagaganap pa ang bentahan sa ibang bansa na ang ibig sabihin ay lumalabas ang pera sa Pilipinas.