Sunog sa Malabon: 7 katao tepok

Binabalot ng kumot ng mga taga-punerarya ang isa sa 7 bangkay na natupok sa sunog kahapon sa Malabon City.- Ernie Peñaredondo-

MANILA, Philippines - Hindi na nakalabas ng buhay sa nasusunog na bahay ang pitong katao kabilang ang dalawang bata  na naganap kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Kinilala ang apat sa pitong nasawi na sina Tomas Cruz, 72; Maylene Cruz-Mateo, 38; Lelei Mateo, 10 at Raylei Mateo, pawang mga naninirahan sa Espiritu St., Brgy. Tinajeros ng lungsod. Habang ang tatlong iba pa ay magkakapatid na may apelyidong Doliri.

Sa ulat, nagsimula ang sunog dakong alas-3:20 ng madaling-araw sa hindi pa matukoy na bahay sa kahabaan ng Espiritu St., Brgy. Tinajeros.

Umabot ang sunog sa 4th alarm dahil  nahirapan ang mga bumbero na mapasok ang lugar dahil sa sobrang kitid ng mga daan at naideklara na “under control” ang sunog dakong alas-5:27 ng umaga.

Hinala ng mga otoridad na buhat sa sumabog na tangke ng “liquefied petroleum gas” ang pinagmulan ng sunog sa hindi pa mabatid na bahay makaraang makarinig ang mga residente ng sunud-sunod na pagsabog.

Nasa kasarapan naman ng pagtulog ang mga nasawing biktima na hindi na nagawang makalabas ng kanilang bahay dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.

Umaabot sa 100 na kabahayan ang nasunog at nasa 1,000 residente ang nawalan ng bahay.

Show comments