NPA umatake: 11 todas

MANILA, Philippines - Magkahiwalay na nagsagawa nang pag-atake ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na kung saan ay napatay ang dalawang pulis, pitong sundalo at dalawang miyembro ng NPA kahapon ng umaga sa bayan ng Matanao, Davao del Sur.

Sa ulat ni Captain Alberto Caber, Spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command, dakong alas- 4:30 ng madaling-araw nang umatake ang mahigit kumulang na 100 rebelde sa Matanao Police Station, Brgy. Poblacion, Matanao, Davao del Sur at dito ay napatay ang dalawang pulis na kinilalang sina PO1 Manolo Booc at PO3 Danny Moalong. Habang nasugatan naman sina Inspector Renato Uy, PO1 Sherwin Cadungog at PO1 Gilbert Legaspi.

Nabatid na ang umatakeng mga rebelde ay pawang nakasuot ng camouflage uniform na pinamumunuan ni Joan Casmurin alyas Ka Joan, lider ng Platoon ng NPA rebels sa lalawigan.

Ang mga rebelde ay lulan ng isang Elf truck, isang forward truck, isang jeepney at ilang motorsiklo na nagpaulan ng bala sa nasabing himpilan.

Natangay ng mga rebelde ang pitong M16 rifles at dalawang cal 9 MM pistol.

Ang ikalawang pag-atake ay nangyari naman bandang alas- 6:50 naman ng umaga nang i-harass ng mga rebelde ang Dunganpekong detachment ng militar sa Matanao na nakasagupa ang tropa ng blocking troops ng 39th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army na ikinasawi ng dalawang NPA.

Gayunman, dakong alas-9:00 ng umaga nang pasabugan ng landmine ng NPA rebels ang KM450 truck ng reinforcement troops ng 39th IB sa Sitio Lahad, Brgy. Asbang, Matanao at dito ay napatay ang mga sundalo.

Ang nasawing mga sundalo ay kinilalang sina 2nd Lt. Ludovico Alejo; Sgt. Porras; Cpl Pacionela; Cpl. Jihani; Pfc Palma; Pvt Dayahay at Pfc Tanjilul.Habang nasugatan sina Cpl Sanayatin, Pfc Lingco, Pfc Abellana, Pfc Alilaya, Pvt Samano, Pfc Pacquiao, Pfc Parañal at Pfc Kancan na nilalapatan na ng lunas sa Digos Doctors Hospital and Medical Center.

 

Show comments