Lady trader wanted sa CIDG

MANILA, Philippines - Wanted ngayon sa mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group –National Capital Region (PNP-CIDG-NCR) ang isang negosyante dahil sa kasong indirect contempt.

Ang warrant of arrest ay ipinalabas ni Presiding Judge Manuel Sta Cruz Jr., ng Branch 226 ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban kay Anna Melinda Marcelo-Revilla.

Ipinalabas ng korte ang mandamyento de aresto laban sa akusado dahil sa kasong isinampa ni Jose Marcelo Jr., Regular Administrator ng mga ari-arian kabilang na ang malalaking korporasyon ni Jose P. Marcelo Sr.

Ang kampo ni Marcelo Jr. ay dumulog sa tanggapan ni PNP-CIDG-NCR P/Sr. Supt . Roberto Fajardo sa Camp Crame upang mapalakas pa ang pagtugis laban kay Revilla.

Una ng nasakote ang iba pang kasamahan ni Revilla sa asunto na sina Danilo Ibay, John Steven Marcelo, Celedonio Escano Jr. at Constanctio Francisco sa serye ng operasyon noong Pebrero 17 sa Ayala, Alabang at Quezon City.

Nabatid na ang kaso ay nag-ugat sa pagtanggi ng mga respondents na i-turnover kay Marcelo Jr., ang lahat ng mga dokumento para sa inventory sa ari-arian ni Marcelo Sr. kabilang na ang mga pag-aari nitong real estate.

Sa tala ng korte noong Disyembre 31, 1991 ay itinalaga ng korte si Edward Marcelo, ama ni Revilla bilang regular administrator  na inaprubahan naman ng korte noong Pebrero 16, 2001.

Nang mamatay si Edward noong Enero 6, 2010 ay itinalaga naman si Marcelo Jr. bilang regular administrator  ng mga ari-arian ng kaniyang ama na may kapangyarihang magsagawa ng mga inventory sa mga ari-arian nito na nasa pangangalaga ni Revilla at Ibay bilang President at Chief Executive Officer ng Marcelo Group of Corporations.

 

Show comments