MANILA, Philippines - Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na kokonsultahin nila ang mga school officials para alamin ang pananaw ng mga ito hinggil sa panukalang gawing apat na araw na lamang ang klase kada linggo.
Sinabi ni Education Assistant Secretary Jesus Mateo, welcome sa kanila ang proposal ngunit kinakailangan muna nilang konsultahin hinggil dito ang mga prinsipal at mga superintendent ng mga paaralan upang matukoy ang mga eskwelahang maaapektuhan nito.
Ayon kay Mateo, dapat din nilang timbangin kung hindi ba makakaapekto o makukompromiso sa naturang hakbang ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Aniya, bubuo sila ng komite na gagawa ng masuÂsing pag-aaral sa nabanggit na plano.
Nauna rito, inirekomenda ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino na magpatupad ng 4-day school week bilang solusyon sa masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila. Inaasahang lalo pang magsisikip ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan sa sandaling simulan ang nakatakdang pagsasagawa sa Skyway 3 na magkonekta sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).