2 salvage victim natagpuan sa QC
MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang muling natagpuan sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa imbestigador na si PO2 George Caculba, tinatayang nasa edad na 35-40, may taas na 5’6, payat, nakasuot ng pula at puting T-shirt, maong na pantalon, tsinelas, at nakatali ng masking tape ang magkabilang kamay. Habang ang isa ay nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’6, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng puti at brown na t-shirt, slacks na short na kulay beige, kulay asul na tsinelas at nakagapos din ng masking tape ang magkabilang kamay.
Ayon kay Caculba, nadiskubre ang mga bangkay sa Fema Road, malapit sa Edsa, sa Barangay Bahay Toro, ganap na ala-1:10 ng madaling araw.
Isang residente ang nakakita sa mga biktima na agad ipinagbigay alam sa Barangay official sa lugar.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang may 17 basyo ng bala ng kalibre 45. Ang bangkay ng dalawang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente upang mabatid ang pagkakakilanlan ng mga ito at kung sino ang responsable sa krimen.
- Latest