Binata itinumba ng mag-aama

MANILA, Philippines - Idineklarang dead-on-arrival ang 27-anyos na si Jason Jabon matapos na pagtulungang bugbugin at saksakin ng isang mag-aama kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Tumakas naman ang mag-aamang suspek na sina Cocoy Macabenta, 54; at mga anak nitong sina Kier, 21; at Ken, 16.

Batay sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi nang makita ng isang Junjun Enterina na kasuntukan ng biktima ang mag-aama sa may Accibal compound, Pook Pagasa, Brgy. Batasan Hills nang duguan itong bumulagta.

Mabilis na itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center, pero idineklara na itong dead-on-arrival. Hindi pa batid ng pulisya ang motibo ng krimen.

 

Show comments