Love triangle tinapos sa bala

MANILA, Philippines - Tinadtad ng bala ang isang 34-anyos na dalaga ng dalawang lalaki habang nagbabantay sa tindahan ng kapatid kamakalawa ng gabi sa Brgy.Bogaoan, San Carlos City, Pangasinan.

Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Marilou Camilet, taga Metro Manila at nagbabakasyon lang sa bahay ng kapatid nitong si Marilyn sa nasabing lugar.

Nabatid na apat na buwan ng nakabakasyon ang biktima sa bahay ng kapatid nitong si Marilyn na tila may iniiwasan ito sa Metro Manila.

Batay sa ulat, dakong alas-7:22 ng umaga ay nagbabantay ang biktima sa sari-sari store ng kapatid nang dumating ang dalawang lalaki na bumaba sa isang kulay pulang Toyota Innova at nagpanggap na bibili sa tindahan.

Paglapit ng dalawang lalaki sa tindahan ay bigla na lamang bumunot ito ng kalibre 45 baril at pinagbabaril ang biktima.

Nang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas ang dalawang lalaki na sakay ng nasabing SUV.

Sa salaysay ni Marilyn sa pulisya nang marinig niya ang putok ng baril ay agad niyang pinuntahan ang kapatid at dito ay nakilala niya sa loob ng getaway vehicle ng mga suspek ang isang alyas Julie na nakaupo sa passenger seat.

Ayon kay Marilyn na nagkukuwento ang biktima sa kanya tungkol kay Julie na umano ay kaagaw nito sa pag-ibig sa nobyo nito na hindi muna pinangalanan.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang isinawalat ni Marilyn at kung totoo ay love triangle ang motibo ng pagpatay sa biktima.

 

Show comments