Lovers natagpuang patay sa motel

MANILA, Philippines - Kapwa natagpuang patay dahil sa mga tama ng bala ang isang magkasintahan sa kuwarto ng inupahang motel sa Quezon City kamakalawa.

Ang magkasintahan ay kinilalang sina Aiza Cortez, 27, ng Pangasinan at Ryan Guibon, 31, ng General Santos City.

Si Guibon ay nasawi habang nakaupo sa loob ng kubeta dahil sa tama ng bala sa kaliwang sentido at si Cortez naman ay nakahandusay sa sahig sa ibaba ng kama na idineklarang dead-on-arrival sa Quirino Memorial Medical Center.

Nadiskubre ang bangkay ng magkasintahan pasado alas-5:00 ng hapon sa Taxi Apartelle na matatagpuan sa kahabaan ng P. Tuazon Boulevard, Barangay San Roque, Cubao, QC.

Nadiskubre sa kuwarto ng magkasintahan ang dalawang baril, anim na piraso sachets ng shabu at walo pang  tea bags ng shabu.

Ang dalawa ay nag-check in sa motel ganap na alas 6:50 ng gabi noong Huwebes at nang matapos na ang kanilang oras nitong Biyernes ng hapon ay kinatok na sila ng kawani ng motel na si Ignalyn Cabelin, 29 nang magulat ito nang makarinig ng putok sa loob ng kuwarto.

Hindi pa malinaw kung ang kaso ng magkasintahan ay pagpapakamatay at sino ang unang kumalabit ng baril sa pagitan nina Cortez at Guibon dahil wala namang testigo sa nangyari kaya’t isasailalim ang mga ito sa paraffin test. -Ricky Tulipat, Angie dela Cruz-

 

Show comments