Dalaga utas sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang dalaga makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na riding-in-tandem sa isang palengke sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rosenda Calanno, 30, fish vendor na nakatira sa  #962 Maligaya compound, Riverside St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, sakay ng Honda wave na walang plaka ang mga salarin na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.

Base sa imbestigasyon, nabatid na ang insidente ay naganap sa harap ng tindahan ng biktima sa Riverside market, Unit 3, Brgy. Commonwealth, ganap na alas-5:30 ng gabi.

Ayon sa testigong si Elaine Galicia, habang siya ay nag-aasikaso ng kanyang paninda nang makita niya ang dalawang suspek na lumapit sa biktima na noon ay kumakain ng kanyang hapunan.

Wala umanong sabi-sabing pinagbabaril ng malapitan ang biktima sa ulo sa leeg at nang makitang bumulagta ay hinagisan ng isang papel at mabilis na tumakas sakay ng kanilang motorsiklo.

Agad namang tinignan ni Galicia ang itinapong papel ng da­lawang suspek sa tabi ng biktima, kung saan nakasulat ang mga katagang “Salawahan ka. Tama lang sa iyo yan, Adik Ka”.

Tatlong basyo ng kalibre.45 baril ang nakuha ng SOCO team sa lugar na kinaganapan ng krimen.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masu­sing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang motibo ng krimen at madakip ang dalawang salarin.

Sinabi ni PO2 Hernandez, kung ang sulat na itinapon sa biktima ang pagbabasihan ay posib­leng dating ‘lover’ ng biktima ang nasa likod ng insidente.

 

Show comments