Magulang nasa trabaho... mag-utol magkayakap na natupok
MANILA, Philippines - Halos natusta ang katawan at natagpuang magkayakap ang magkapatid na paslit na nakulong sa nasusunog nilang bahay sa Lipa City, Batangas kahapon.
Ang magkapatid ay kinilalang sina Prince Johann, 4-anyos at si Jessa Angelica Dimailig, 3-anyos na natagpuang magkayakap ng mga nagrespondeng bumbero sa loob ng natupok na silid ng kanilang bahay.
Batay sa ulat ni Fire Senior Inspector Von Ferdinand Nicasio ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-7:00 ng umaga nang tupukin ng apoy ang bahay ng magkapatid na matatagpuan sa #1043 sa Brgy. Balintawak ng lungsod.
Lumalabas sa imÂbestigasyon ni Fire Officer 2 Ritchie Manalo, naiwang walang kasama ang magkapatid sa loob ng kanilang bahay ng mangyari ang sunog.
Ang ama ng mga bata na si Reggie ay nagtatrabaho bilang janitor sa Lipa City National High School habang sa pabrika naman ang kanilang ina.
Lumilitaw pa na ang sunog ay sanhi ng electrical circuit sanhi ng overload sa fuse box sa bahay ng mga Dimailig na naapula dakong alas-7:55 ng umaga.
- Latest