Obrero hinabol hanggang sa mapatay

MANILA, Philippines - Siniguro ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo na  hindi na mabubuhay pa ang isang obrero na may tama na ng bala kung kaya’t kanila pa rin hinabol at muling pinagbabaril naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Roy Milanes, 35, may–asawa, ng # 972 Riverside St., Unit 3,Barangay Commonwealth ng lungsod.

Inilarawan ng mga testigo ang dalawang lalaki na  nasa 35 – 40-anyos, na ang isa ay  naka sando na kulay puti at ang isa naman ay  naka – black jacket.

Sa ulat, dakong alas-11:00 ng gabi ay nagla­lakad  ang biktima patungo sa isang tindahan nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang lalaki na lulan ng isang kulay itim na motorsiklo at walang sabi-sabing  pinagbabaril si Milanes.

Kahit na may tama ay nagawa ni Milanes na tumakbo para takasan ang mga suspek, subalit isa rito ang humabol sa kanya at nang maabutan ay mu­ling pinagbabaril sa ulo at katawan.

Show comments