Ambush: 4 magkakamag-anak utas

MANILA, Philippines - Utas ang apat na magkakamag-anak matapos silang ambusin ng tatlong armadong suspek sa Ilocos Norte, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Senior Supt. Gerardo Ratuita, director ng Ilocos Norte Police, nabatid na ang mga biktima ay sina Bennie Rosete at Janamei, 11; isang Mr. de Guzman, at isang Jacoba.

Nangyari ang pa­nanambang, pasado alas-7:00 ng gabi sa Barangay Gabut Sur, Badoc, Ilocos Norte.

Ayon kay Ratuita, ga­ling umano ng national highway ang mga biktima, kasama ang lima pang kaanak at kumain sa isang kainan sa may boundary ng Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Matapos kumain ay nagpasya ang grupo na umuwi sakay ng isang tricycle at motorsiklo. Habang binabagtas umano ang nasabing lugar ay bigla na lamang sumulpot ang tatlong suspek at pinaulan sila ng bala.

Matapos ang pamamaril ay  agad na umalis papalayo ang mga suspek at iniwang nakabulagta ang mga biktima.

Narekober ng pulisya ang 13 basyo ng M16 rifle na ginamit ng mga suspek sa pananambang sa mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing pananambang.

 

Show comments