Arroyo, Gov Vi, Ejercito, Biazon pinalalayas sa puwesto

MANILA, Philippines - Inuutusan ng Commission on Elections (COMELEC) ang may 422 halal na lokal opisyal­ kabilang na si da­ting Presidente at ngayon ay  Pampanga congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, Laguna Governor Emilio Ramon “ER” Ejército, Batangas Governor Vilma Santos Recto at  Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon na bakantehin ang kanilang mga puwesto matapos na mabigo na  magsumite sa (Comelec) ng kaukulang Statement of election contributions and expenditure (SOCE) sa nakalipas na May 2013 elections.

Ito ang inihayag ni Comelec Chair Sixto Brillantes Jr. sa pulong-balitaan kahapon at ma­liban sa apat na nabanggit na personalidad ay pinabababa rin sa puwesto sina Pangasinan Gov. Amado Espino, Ilocos Sur Gov. Ryan Luis Singson, Ilocos Sur 1st District Rep. Ronald Singson at Pasay City Mayor Tony Calixto.

Bukod sa pag­kabigong maghain ng SOCE, mayroon
din sa mga pinabababang opisyal ang hindi pumirma sa isinumiteng SOCE habang ang iba ay mali ang ginamit na form.

Dapat umanong bakantehin ang 4 na go­vernor position; 1 vice-governor; 12 Sangguniang Panlalawigan, 3 alkalde, 20  congressmen, 9 na vice mayors, 47 Sangguniang Panglungsod. 23 municipal mayors, 26 municipal vice mayors at 277 Sangguniang Bayan.

Nilinaw naman ni Brillantes na maaari lamang silang bumalik sa posisyon sa oras na makatugon na kani-kanilang  SOCE, na tama at kailangang magbigay din administrative fine.

Sa 422, 169 dito ang Liberal Party (LP); 44 ang National Union Party (NUP) na kaalyado ng Liberal Party; 39 ng Nacionalista Party (NP), 33 independents; 31 Natio­nalist People’s Coalition (NPC); 29 United Natio­nalist Alliance (UNA); at 17 sa Lakas-CMD.

Nagpadala na umano ang Comelec ng liham kay Speaker Feliciano Belmonte Jr. at kay Local Government Secretary Manuel Roxas II na ipatupad ang nasabing kautusan.

May nilagdaan umanong Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Comelec at Department of Interior and Local Government (DILG) noong Marso 2012 na nagtatakda sa lahat ng mga local na kandidato na bigyan ang DILG ng kopya o certification na nakatugon sila sa  hinihinging SOCE ng poll body.

Una nang dinis­k­w­a­lipika ng Comelec First Division si Ejercito dahil sa sobrang gastos noong  2013 elections. Nagsampa naman si  Ejercito ng motion for reconsideration.

 

Show comments