MANILA, Philippines - Nasawi ang 7 overseas Filipino workers habang 11 pa ang nasugatan nang pasabugin ng mga terorista ang Yemeni Defense Ministry Complex sa Sana’a, Yemen kamakalawa.
Ayon sa ulat na tiÂnangÂgap ng Department of Foreign Affairs (DFA) kina Ambassador Ezeddin Tago, Honorary Consul Mohammad Al-Jamal at Filipino community leader Esther Galahan na 6 na babae na pawang nurse at 1 doktor na lalaki ang nasawi sa insidente habang 11 Pinoy din ang nasugatan at nilalapatan ng lunas matapos na magtamo ng mga sugat.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na karamihan sa mga biktimang Pinoy ay mga nurses at kababaihan na nagtatrabaho sa isang ospital sa loob ng nasabing pinasabog na complex.
Ang lahat ng Pinoy survivors ay dinala na sa isang ligtas na lugar habang ang sitwasyon sa complex ay kontrolado na umano ng Yemeni security forces.
Tumanggi ang DFA na pangalanan ang mga patay at sugatan habang ipinaaalam pa ang kanilang sinapit sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sa inisyal na report, dakong alas-9:30 ng umaga noong Huwebes nang pinasabog ang isang kotse sa gate ng complex na sinundan ng isa pang suicide bomber na nagtangkang pumasok, subalit naharang ito ng mga awtoridad.
Ang ikatlong suicide bomber ay nakalusot at nakapasok sa loob ng complex at agad na pinasabog nito ang dalang eksplosibo na nagpaguho sa buong gusali ng complex.
Walang habas ding pinaulanan ng mga bala ng mga umatakeng teroÂrista ang mga tao sa complex.
Sa tala ay umaabot 52 katao kabilang ang mga sundalo at hospital staffs ang nasawi kabilang ang isang kaanak ni Yemeni President Abd-Rabbu Mansour Hadi, habang may 167 ang sugatan.